Martes, Abril 15, 2014

Serve The People



April na naman, graduation season ika nga bukod pa sa birth month ko. Maligayang pagtatapos nga pala sa lahat ng magsisipagtapos ngayong taon. Pagkatapos ng anim na taon sa elementary o apat sa high school o apat o higit pa sa kolehiyo o kahit dalawang taon sa pre elementary pa yan, nagbunga na ang pagsusunog ng kilay ninyo kung nagsunog man kayo ng kilay. Pero bago kayo mag-inom o magtawag ng night out kasama ang mga kaibigan at malalapit na tao sa inyo, sana isipin nyo din ang hirap na dinanas ng magulang, kamag anak, benefactor, sponsor o sinumang nagpa aral sa inyo.
Sa kaso kasi ng mga iskolar ng bayan o yung mga isko at iska, aba eh malaking bahagdan ng tuition natin ay galing sa buwis ng mamamayan, emphasis lamang sa buwis ha. Sabi nga ni Prof. Winnie Monsod, kung gusto natin i-quantify ang tunay na halaga ng UP education, ikumpara sa tuition sa Ateneo o La Salle, yun daw ang UP education. Wala mang siyentipikong basehan ito pero you get the point.
Isipin natin ha, yung isang magsasaka o mangingisda na nagbabayad ng buwis, ni hindi nga mapa-aral ung anak nya pero meron siyang kontribusyon sa tuition na binabayaran natin dahil lamang nasa UP tayo. Yung teacher na napakalaki ng bawas sa sweldo nya para sa tax, halos hindi na magkaugaga sa pagbebenta ng sabon o avon sa school para lang mapunan ang kakulangan ng sweldo, may kontribusyon pa sa tuition natin. May balak ba tayo after graduation para magpalik naman sa mangingisda, magsasaka at titser na ito?
Lagi natin naririnig serve the people, serve the people, sa pagkakatanda ko, meron pa ngang napakalaking banner niyan doon sa tuktok ng DL Umali noong graduation namin last year eh. Hindi naman ako magmamalinis, isang taon na ako grumaduate, nasan na ang serve the people? After graduation dumerecho na ako sa law school, sabi ko sa sarili ko tatapusin ko ang law at ipasa ang bar, tiyak mas madami ako matutulungan. Hindi ko naman nakakalimutan ang pangakong yun.
Tanong ng iba, pano ba yun, kelangan ba i-quantify, kelangan ba literal na bayaran mo in any way yung ginastos na buwis para sa pag aaral mo? Kelangan ba maging magsasaka ka din o mangingisda o titser para makabawi? Kelangan ba dito ka lang sa Pilipinas, huwag ka mag aabroad? Para sa akin kasi, if you live up to what is expected of an iskolar ng bayan, marahil isang paraan nay un para makapag give back. Aminin natin, napaka idealistic natin nung estudyante pa, na iniisip natin we can change the world and all that, pagkalabas ng UP, nandun pa rin ba yung idealism? Yung kagustuhan na mabago yung pangit sa lipunan? Ewan ko, sarili lamang natin yung makakasagot nun. Sabi nga eh, sa bawat sampung kamatis, marahil dalawa o tatlo dun ay bulok, ang magiging tanong lamang, alin ka dun? Dun ka ba sa bulok?
Muli, maligayang pagtatapos class of 2014! Dangal at husay mga kapwa iskolar ng bayan! Serve the people!