Huwebes, Disyembre 31, 2015

Pangako

Katulad ng tula ni Juan Miguel Severo, mangangako akong ito na ang huling piyesang isusulat ko para sa'yo.

Mangangako akong iiwan ko na ang mga alaala mo katulad ng pag iwan ng mundo sa taong 2015. Hindi ko na hahayaang masaktan tuwing may mababalitaan ako mula sa iba tungkol sa’yo. Hindi na ako magpapa-apekto kapag may hindi magaganda silang komento tungkol sa’yo. Hindi na kita ipagtatanggol mula sa mapanghusgang mundo. Hindi na ako aasang baka dumating ang tamang panahon para sa ating dalawa. Ngayong darating na taon, palalayain na kita, upang mapalaya ko na rin ang sarili ko.

Pero bago yan, hayaan mo akong alalahanin ka, alalahanin tayo, sa huling pagkakataon..

 Ikaw ang una kong pag ibig. Ikaw ang unang lalaking iniyakan ko maliban kay Itay. Matanda na tayo pareho para maglokohan o maglandian lang. Nangako ka sa akin. Pinanghawakan ko yun ng napakatagal. Ginawa kitang exception sa lahat dahil inintindi ko ang sitwasyon mo. Ipinangako ko sa sarili ko na hinding hindi ako papasok sa isang relasyong hindi sigurado pero para sa’yo ginawa ko yun. Ganun ka kahalaga sa akin. Ganun kitang minahal.

Handa sana akong hintayin ka kahit gaano pa yan katagal. Handa sana akong masaktan kung sa huli naman tayo pa ring dalawa. Handa sana akong mahalin ka kasama ng lahat ng magaganda at hindi magagandang katangian mo. Pero sinabi mong hindi mo kayang mag-commit. Sinabi mong hindi mo kayang ibigay ang oras at presensya na kailangan ko. Pero bullshit naman dahil kung busy ka at marami kang ginagawa, ganun din ako. Hindi ko kailanman hininging ibigay mo sa akin ang bente kwatro oras mo. Sapat na sa aking may mapagsasabihan ng mga bokya recits ko. Okay na ako kahit minsan lang tayo magkita. Ayos lang kahit hindi makalabas basta alam kong nandyan ka lang para sa akin.

Pero hindi. Sinabi mong hindi ka maka-commit.

Paulit-ulit kong itinanong sa sarili ko kung ako ba yung mali? Baka naman naging masyado akong demanding sa’yo. Mayroon ba akong dapat baguhin? At kung meron man, handa sana akong baguhin yun para sa’yo dahil ikaw na nga ang nagsabi, hindi ba? We always change ourselves for the sake of the beloved.

Pero sinabi mong hindi ka maka-commit.

Inamin mo sa akin na naging mahina ka. Hindi mo tayo kayang panindigan. Sinabi mo sa akin na baka nga hindi lang nagtugma tugma ang tamang panahon, ang tamang rason, ang tamang tao at ang tamang pagkakataon pero in your own words “soon, very soon they might be aligned”. Hindi na ako naniniwala sa’yo.

Sa ikinatagal ng panahong hindi ako makatingin sa ganda ng buwan nang hindi ka naaalala, ngayong darating na bagong taon, ito ang unang una kong hahanapin kasabay ng pangakong hindi na pangalan mo ang sasambitin sa mga gabing buwan lang ang nakakaintindi sa akin.

Sa susunod na mag ktv ang barkada, kakantahin ko na ang The Closer I Get To You nang hindi ikaw ang naaalala dahil lang paborito mo ito at minsan mong kinanta at dinedicate para sa akin. Hindi ko na rin ipagkakait sa sarili kong mapanood ang Theory of Everything kahit pa nagsumpaan tayo na sabay natin itong panonoorin. Kakain na ako sa BonChon kahit pa mabura nito yung una nating tanghalian na magkasama doon. Hindi ko na pagkakaitan ang sarili ko na gawin ding comfort food ang chicken spag ng Jollibee dahil lang yun ang comfort food mo. Hihingin ko nang pasalubong mula sa ibang tao ang pasalubong items sa Nathaniel’s kahit pa yun ang unang pasalubong na ibinigay mo para sa akin.

Ngayong darating na taon, magiging masaya na ako sa kinahantungan nating dalawa. Sadya nga sigurong may mga taong pinaglapit ngunit hindi itinadhana. Kung hindi mo ako kayang panindigan ngayon baka nga hindi mo rin ako kayang panindigan kahit na kailan.

Ngayong 2016, tuluyan at tunay ko nang patatawarin ang sarili ko katulad ng pagpapatawad ko sa’yo. Hindi ko na ipipilit ang mga bagay na hindi naman dapat ipinipilit. Hindi ko na kokontrolin ang mga bagay na alam ko namang hindi ko kontrolado. Hindi ko na iisiping natalo ako sa isang mundong tinuruan akong dapat na lagi ay manalo.

Ngayong 2016, sarili ko na uli ang uunahin ko.

Ngayong 2016, kalilimutan na kita.

Ngayong 2016, palalayain na kita.

Ito na ang huling piyesang isusulat ko para at tungkol sa’yo, pangako. Dalangin ko lagi’t lagi na kung anuman ang maging desisyon mo sa buhay ay gabayan ka. Sana ay maging masaya ka.

At sa huling pagkakataon.. mahal at minahal kita.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento